Totoo nga naman talaga ang sinasabing - nasa huli ang pagsisi.
Oo, nagsisisi ako at nagbulakbol ako sa eskwela nung college. Nagsisisi ako dahil alam ko may talino ako pero sinayang ko ang pagkakataong makapagtapos at makahanap ng trabahong gusto ko.
Hindi ko sinasabing panget ang kinalalagyan ko ngayon dahil malaki rin naman ang sweldo kesa mga karaniwang empleyado, pero mukhang hanggang dito na lang ako.
Nakakalungkot man sabihin pero kelangan ng kapirasong papel na tinatawag na diploma para makapasok sa mga multinational na kumpanya. Kelangan din ng papel na iyan pag gusto mo magiba ng larangan. Madami sa paligid, alam ko, ang tulad kong di man nakapagtapos pero may galing at talino, determinado na magtrabaho, at kaya ding gampanan o di kaya higit pa ang mga tungkulin ng isang nakapagtapos.
Sa kinalalagyan ko ngayon sa call center, masasabi kong mas magaling pa ako magEnglish kesa isang aplikanteng nakapagtapos. Mas magaling pa ako mag articulate ng English kesa isang taong me pinanghahawakan na diploma. Mas madali pa akong matuto kesa mga may degree. Mas napromote pa ako kesa mga kasabayang me mga tinapos na kurso.
Sinabi ko sa una, hindi naman masama ang kinalalagyan ko sa call center. Pero may mga panahong gusto ko subukan ang ibang trabaho. Naalala ko na naman ang isang interview ko mga 6 na taon na ang nakalipas. Ang sabi ng nag-interview - "...kelangan kasi namin graduate eh."
Masakit sa tenga pero totoo. Tanggapin ko na lang ba ang katotohanang ito? Meron pa kaya jan sa labas na magbbibigay ng pagkakataon sa isang katulad ko - o ang idustriyang call center lang ang makikinabang sa aking angking galing at sipag?